Kabanata 10
Nagulat ang lahat nang ipag-utos ng hari na huwag ng patawan ng parusang kamatayan ang prinsesa at na muling buksan ang pagliligtis pagkatapos ng digmaan. Hindi naman pumayag si Heneral Akhiram.
“ Kamahalan, ipagpaumanhin niyo subalit hindi nga ako sang-ayon sa inyong naging desisyon. Bakit niyo inuurong ang parusang kamatayan sa mamatay-taong iyon? Baka nakakalimutan niyo kung ano ang ginawa niya sa iyong pamilya at sa aking anak?”
“ Baka nakakalimutan mo rin heneral na wala kang karapatang kuwestiyunin ang aking pagpapasiya, tandaan mo ako pa rin ang hari.”
“ Nais kong malaman kung bakit nagbago ang pasiya ng kamahalan? Hindi na ba mahalaga ang ating ipinaglalaban? Ang makamit ang tunay na katarungan at kapayapaan?”
“ Gaya mo heneral may pananagutan ka rin sa batas kung gayon. Lahat tayo ay may pananagutan sa batas. Hindi ba’t isa rin tayong mandirigma heneral?”
“ Alam ko kamahalan subalit ang isang iyon ay mamamatay-tao! Wala siyang awang pumaslang at walang pinipili kahit na sino.”
“ May dahilan ako heneral at kung sino man sa inyo ngayon dito ang hindi pa nakapapaslang ng kaniyang kapuwa ay maaaring tumayo at ipagmalaki ang kaniyang sarili at sabihing hindi siya mamamatay-tao!”
Wala namang nagtangkang tumayo at umimik maging si Akhiram.
“ Kung nalalaman mo heneral ang iyong mga sinabi ay mauunawaan mo ang aking naging pasiya.”
“ Hindi ka sana nagkakamali sa iyong naging pasiya kamahalan. Napakasakit ng mawalan ng mahal sa buhay at alam mo iyan Haring Daniel.”
“ Hindi ko inaalis sa iyo ang karapatang iyan Heneral Akhiram nais ko lamang na magtiwala ka sana sa akin. At kung kinikilala mo pa ako bilang iyong hari ay ako nga ay iyong susuportahan heneral.”
Hindi naman naka-imik ang heneral at siya ay nagpaalam na sa hari.
Kinagabihan ay nag-uusap ang magtiyuhin.
“ Nagagalak ako sa iyong naging desisyon kamahalan. Hindi dahil sa naaawa ako sa prinsesa kundi dahil ipinakita mo ang iyong pagkamahabagin at muli ay ang pagkamakatuwiran.”
“ Nag-aalala lamang ako sa heneral tiyo. Batid ko ang sakit ng kaniyang nararamdaman at natural lamang ang kanyang naging reaksiyon.”
“ Hindi lang siya ang nawalan Daniel. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay nakukuha natin ang katiwasayan at kapanatagan ng isip sa paghihiganti. Huwag mo ng isipin si Akhiram Daniel, nananaig sa kanya ang pagkamuhi kaya hindi siya nakakapag-isip ng matuwid.”
“ Nakahanda na ba ang lahat bukas tiyo?”
“ Nakahanda na kamahalan at nakahanda na rin ang puting laso.”
“ Napapayag mo din ang konseho ha. Mahusay ka talaga tiyo.”
“ Iyan ang kagandahan naman ng pagiging makulit kamahalan.”
Napapangiti naman si Daniel.
“ Hindi mo ba siya bibisitahin kamahalan? Nasa kulungan siya ngayon at marahil inihahanda na ang kaniyang sarili sa pagbitay sa kaniya bukas.”
“ Magugulat siya tiyo subalit kailangan munang ilihim ang lahat dahil bukas ay muling magtutuos ang dalawang kaharian.”
“ Sa sandaling panahon ay napahahanga ako ng prinsesa kamahalan.”
“ Bakit tiyo?”
“ Hindi dahil sa maganda ang prinsesa at batid kong nabighani ka naman talaga sa kaniya. Kundi isa siyang may pambihirang katapangan at pag-ibig.”
“ Bibihira ang babaeng haharap sa kaniyang kamatayan ng walang takot Daniel dahil tanggap niya ang kaniyang mga kasalanan at nararapat lamang na pagdusahan niya ito, gayundin isa siyang mapagmahal at tapat na kaibigan. Alam mo na ang ibig kong sabihin.”
“ Huwag mo na akong gatungan tiyo, nalalaman ko iyon.”
“ Bakit ka ba natatakot kamahalan?”
“ At saan naman ako natatakot?”
“ Takot kang umibig Daniel at huwag mo ng ikaila.”
Halos matawa naman si Daniel.
“ Pinatatawa mo ako tiyo. Kaibigan ko si Elaine at maliban doon ay wala na.”
“ Kahit hindi mo sabihin Daniel at gaano mo man ito itanggi ay hindi mo maikakailang umiibig ka sa kaniya.”
“ Mahirap suungin ang bagay na iyan at masyadong komplikado ang lahat para sa aming dalawa.”
“ Alin ang komplikado doon kamahalan?”
“ Magkaiba kami tiyo at mahihirapan lamang kaming pareho.”
“ Ikaw ang bahala Daniel, pero huwag mong sabihing hindi kita pinaalalahanan.”
Tumango na lamang si Daniel habang napapangiti.
“ Huwag kang pangiti-ngiti diyan Daniel.Seryosong bagay itong pinag-uusapan natin.”
“ At ano naman ang alam ninyo sa pag-ibig tiyo? Bakit nakaranas ka na bang umibig?”
“ Oo noong kabataan ko pa. Pero hindi kami nagkatuluyan sa dahilang mas pinili kitang pangalagaan pero hindi ibig sabihin niyon na nabawasan ang pag-ibig ko sa kaniya dahil hanggang ngayon siya pa rin ang laman ng aking puso.”
Nagulat naman si Daniel sa pagtatapat na iyon.
“ Ngayon ko lang nalamang umibig ka pala tiyo, bakit hindi mo sinasabi sa akin iyan?”
“ Hindi ka naman nagtatanong eh, ni hindi nga natin napag-uusapan iyan kahit kailan hindi ba? Ngayon lang.”
“ Ikaw ang nagbukas ng usapang iyan tiyo at hindi ako.”
“ Dahil ikaw ang may suliranin sa puso at hindi ako Daniel.”
Napapailing si Daniel at nang dumating si Emil ay saka na tumayo ang hari.
“ Mabuti pa mauna na ako tiyo at nang makapagpahinga na.”
“ Hanggang kailan mo ba itatanggi ang damdamin mo Daniel? Kailan mo matatanggap sa iyong puso ang bagay na iyan?”
Subalit hindi na pinansin pa ni Daniel ang kaniyang tiyuhin. Samantala hindi rin naman tinigilan ni Emil ang hari habang ito ay nagpapamasahe sa kaniya.
“ Kamahalan ngayong hindi na bibitayin pa ang prinsesa kailangan pa rin ba siyang maparusahan?”
“ Kailangan pa rin siyang litisin Emil dahil hindi ibig sabihin niyon ay ligtas na siya sa kaniyang mga ginawa.”
“ Pero ginamit lang naman siya ng kaniyang ina hindi ba? Kayo na rin ang may sabi na wala siyang nalalaman sa bagay na kaniyang ginagawa sa tuwing isusuot na niya ang mascara. Hindi ba’t ang sumpa ni Wjaram ang nagpapangyaring mapasailalim siya ng kapangyarihan ng mascarang iyon?”
“ Batid niyang masama ang hangarin ng kaniyang ina pero bakit siya nagpapagamit? Hindi ba’t pangungunsinti iyon?”
“ Iba ang nangugunsinti sa napipilitan kamahalan dahil sa mahusay ang reyna sa tusong mga bagay. Hindi ba’t palaging may banta ang reyna sa kaniya kaya napipilitan ang prinsesang isuot ang mascara? Palagi na lamang idinadamay ang mga malalapit sa prinsesa kaya nga ilang ulit ng nagtangkang magpatiwakal ang prinsesa, hindi ba?”
“ Saan mo naman nakuha ang kuwentong iyan Emil?”
“ Magaling ako kamahalan, isang maaasahang tagapagbalita ang naghahatid nito sa akin kaya alam ko.”
“ May pananagutan pa rin siya Emil at kailangan niyang harapin iyon. Nagawa ko na ang aking tungkulin kaya hukuman na lamang ang magpapasiya sa bagay na iyan.”
“ Kung hindi ba siya si Ajamohn ay magagawa niyo ba siyang tanggapin at ibigin kamahalan kahit anak pa siya ng reyna ng kanluran?
“ Emil kailangan ko bang sagutin iyang tanong mo?”
“ Kayo ang bahala kamahalan.”
“ Kung gayon ikaw ang sumagot ng iyong katanungan.”
“ Para sa akin kung talagang iniibig ko siya ay tatanggapin ko kahit ano pa siya. Ang mahalaga ay mahal ko siya at wala akong paki-alam kung ano man ang kaniyang nakaraan at naging buhay o pagkatao. Hindi ba’t ang masasama at halang ang kaluluwa ay natututo ring umibig at natututuhang tanggapin ng kanilang taong iniibig? Gaano pa kaya ang prinsesa na busilak ang kalooban?”
“ Mabuti pa Emil manahimik ka na lamang at magmasahe. Huwag mo na akong kulitin pa maaari ba?”
“ Paumanhin kamahalan subalit nais ko lang namang malaman ang inyong saloobin.”
“ Buweno para sa akin ay mahirap tanggapin. Madaling sabihin subalit hindi mo alam kung gaano kahirap ang pinagdadaanan ko, hindi madaling makalimot Emil at lalong hindi madaling tanggapin ng gayun-gayon lang ang mga bagay-bagay. Hindi madaling umibig sa taong labis mong kinamuhian.”
Nasagot na nga ng hari ang kaniyang katanungan at hindi na siya muling nagtanong pa.
Nakahanda na ang lahat kinabukasan, si Elaine ay nasa tagong lugar at gaya ng inaasahan ay nakapasok na ang mga kalaban sa palasyo sa pangunguna ni Heneral Gharim. Napasok nila ang kulungan kung saan naroon ang prinsesa at nagawa nga nilang maitakas ito. Sa di kalayuan ay nag-aabang na ang pangkat ng reyna upang salubungin ang kaniyang anak at natuwa siya ng makita muli ang kaniyang anak. Niyakap niya ito saka nagsalita.
“ Salamat at nailigtas ka rin anak! Labis akong napighati nang ikaw ay mabihag ng ating mortal na kaaway at ngayon ngang magkasama na tayong muli ay hindi ka na nila mabibihag pa. Gaganti tayo anak, ipaghihiganti kita!”
Hindi naman umiimik si Elaine habang pinagmamasdan ang reyna, saka naman inilabas ng reyna ang laman ng kaniyang dalang bag at iyon nga ay ang gintong mascara.
“ Marahil ay sabik ka ng isuot ang iyong mascara Elaine kaya dinala ko na nang sa gayon ay makaganti ka sa taong nagpahirap sa iyo na walang iba kundi ang haring si Daniel. Kaya heto isuot mo at malaya mong maisasakatuparan ang iyong kagustuhan.”
Kaya iniabot ng reyna ang mascara at saka kinuha naman iyon ng prinsesa, walang anu-ano ay nagulat ang lahat maging ang reyna nang magbagong anyo na ang prinsesa at naging si Majerinh.
“ Salamat kamahalan sa pagbibigay mo ng gintong mascara.”
At biglang naglaho si Majerinh saka naman nagwala ang reyna.
“ Hindi maaari ito! Gharim nasaan ang prinsesa? Hanapin niyo si Majerinh at kunin sa kaniya ang gintong mascara ngayon din! “
Sumunod naman kaagad si Gharim at siya ay mabilis na nawala upang hanapin si Majerinh.
“ Mga hayop! Hindi mo magagawa sa akin ito haring Daniel! Lusubin ang palasyo!”
Ngunit bago pa makapagmartsa ang daang libong kawal ng reyna ay biglang tumunog ang isang malakas na ugong ng instrumento at sila ay luminga sa paligid, nagulat sila sa biglang paglitaw ng mga kawal ng silangan upang harangin ang pangkat ng reyna. Saka lumitaw ang hari sa gitna kasama si Majerinh at Elaine, kaya nang mapansin iyon ni Gharim sa may di kalayuan ay natigilan siya at nagbalik sa reyna.
“ Mahal na reyna isang patibong ng hari ito, mabuti pa ay tumakas na tayo!”
“ Hindi Gharim, haharapin ko ang hari ng silangan at hindi ako natatakot sa kaniya kahit nasa kaniya pa ang prinsesa at ang gintong mascara!”
Nanahimik naman si Gharim at sumunod sa kaniyang reyna.
“ Kahit magsama-sama pa kayo Haring Daniel ay hindi ako natatakot! Dapat na nating tapusin ang labanang ito at tinitiyak kong ako ang magwawagi!”
“ Huwag kang pakasisiguro reyna Andrea! Alalahanin mong hawak ko na ngayon ang iyong alas! Kaya mabuti pa sumuko ka na nang sa gayon ay wala ng madamay pa!”
“ Hangal! Akala mo gayun-gayon mo lang ako mapasusuko? Hindi ang reynang ito ang sumusuko sa kahit anong labanan kaya humanda ka Haring Daniel! Pagsisisihan mo ang lahat ng iyong ginawa!”
Ngunit sumabat sa usapan si Elaine.
“ Mahal na reyna utang na loob sumuko na tayo, tama na ang digmaang ito! Hindi mo ba nakikita na wala naman talagang nagtatagumpay sa digmaang ito? Lahat ay nagiging biktima, lahat ay nagdurusa dulot ng labanang ito! Kaya tigilan na natin ito ina!”
Nayamot naman ang reyna kaya ibinaling niya ang usapin kay Daniel.
“ Hayop ka Haring Daniel! Ano ang ginawa mo at nagawa mong pasunurin ang aking anak sa iyong mga panlilinlang? Matapos mo siyang kaibiganin at kunin ang kaniyang tiwala at pagkatapos ay ipakulong at gawing pain ay nagawa mo siyang pasunurin? Magbabayad ka ng mahal sa ginawa mong iyan!”
“ Wala siyang ginawa ina! Ako ang may kagustuhan nito! Nais ko ng itigil na natin ang walang saysay na digmaang ito, nais ko na ng katahimikan, kaya parang awa niyo na ina palayain niyo na ako!”
“ Elaine makinig ka anak! Hindi matitigil ang digmaang ito hangga’t nabubuhay ang ating mortal na kaaway, hangga’t hindi nila tayo nauubos ay hindi sila titigil sa kanilang hangarin! Sila ang may masamang balak Elaine at ipinagtatanggol lamang natin ang ating sarili! Ang ating angkan ay humihingi ng katarungan sa mga walang-awang pagpaslang mula pa noon at hanggang ngayon ay sumisigaw pa rin ang katarungan kaya nararapat lamang na sila’y ating ipaghiganti!”
At doon ay napaiyak na si Elaine.
“ Hindi katarungan ang ating nakakamit ina kundi pagdurusa! At kahit kailan hindi masasagot ng ating paghihiganti ang katarungang ating minimithi! Nakiki-usap ako sa iyo ina sumuko ka na.”
“ Alalahanin mo Elaine ang sakit na naranasan natin nang mawala ang iyong ama at kapatid! Dahil sa kanila ( itinuro si Daniel) ay nagkahiwalay tayo at nagtiis ng mahabang panahon! Kakalimutan mo na lamang ba ang lahat ng iyon anak?”
Napahagulgol na lamang si Elaine kaya nagsalita na si Daniel.
“ Hindi lamang ikaw ang nawalan Reyna Andrea! Bakit hindi mo aminin sa iyong sarili na ang ugat ng lahat ng ito ay kasakiman at pagka-uhaw sa kapangyarihan! Itinaguyod ni Wjaram ang gayong hangarin at ipinagpapatuloy mo ngayon, bakit hindi mo aminin sa lahat na ginagamit mo lamang ang iyong anak sa iyong masasamang layunin!”
“ Wala kang karapatan at wala kang pakialam Haring Daniel! Ano man ang naisin ko ay wala kang pakialam! Mabuti pa ibalik mo na sa akin ang aking anak!”
“ Hindi ko siya ibabalik sa iyo Reyna Andrea, hindi ko na papayagan pang gamitin mo ang iyong sariling anak sa masama mong hangarin!”
“ Puwes magkakamatayan na tayo dito! Sugurin sila at patayin silang lahat!”
At sumugod naman ang mga kawal ng reyna at marami ng sandatang nagsisipagpatukan ng napakalalakas, gumawa naman ng pangharang si Majerinh upang hindi madamay ang palasyo gayundin tinapatan naman ng kabilang panig ang sandata ng kaaway, pagkatapos ay nagsisugod na ang mga kawal ng magkabilang panig.
“ Tiyo mabuti pang ilayo niyo na lamang si Elaine.”
“ Hindi Daniel makikipaglaban ako, isa rin akong mandirigma at hayaan mong gawin ko ang nararapat.”
Nagkatinginan naman ang magtiyo at saka napapayag naman ang hari. Kaya binigyan si Elaine ng sandata upang ito’y magamit niya. Hinanap pa rin ni Heneral Garimh si Majerinh ngunit hinarang siya ni Heneral Akhiram.
“ Kung ako sa iyo heneral ay pararaanin mo na lamang ako kung nais mo pang mabuhay.” Banta ni Gharim.
“ Masusubukan natin ngayon kung sino sa atin ang mas mahusay Heneral Gharim! Kaya paumanhin hindi kita maaaring paraanin!”
Napangiti naman si Gharim at sila ay naglaban. Abala din ang hari sa pakikipaglaban gayundin ang reyna at ang kani-kanilang mga heneral, kawal at opisyal. Ngunit sa di inaasahang pangyayari ay nakuha ng reyna si Elaine at pilit niya itong itinatakas, malakas ang reyna at mahusay din sa pakikipaglaban. Napansin naman ni Daniel na tumatakas na ang reyna kasama si Elaine patungong kagubatan kaya hinabol niya ang dalawa.